Binalaan ni incoming US Secretary of State Marco Rubio ang China na dapat itigil ang panggugulo nito sa Pilipinas at Taiwan.
Sa confirmation hearing sa US Senate Foreign Relations Committee sa nomination ni Rubio bilang US Secretary, inihayag niya na ang mga aksiyong ginagawa ngayon ng China ay lubhang nakakasira, pinupuwersa aniya nito ang Amerika na gumawa ng counteractions dahil mayroon itong commitments sa Pilipinas gayundin sa Taiwan na kanila naman aniyang ipagpapatuloy.
Saad pa ng Republican Senator na kung nais ng China na gumawa ng paraan para maging matatag ang relasyon ng US at China, dapat aniyang itigil nito ang panggugulo sa Taiwan at Pilipinas dahil pinipilit nitong ituon ang kanilang atensiyon sa mga paraang hindi nila nais na gawin.
Ibinabala pa ni Rubio na malaki ang magiging epekto sa buong mundo sakaling magkaroon ng anumang “miscommunication o inadvertent conflict” sa panghaharass ng China sa disputed waters, na maguudyok sa US para depensahan ang PH bilang treaty ally o kaalyado nito.
Ang pahayag ni Rubio ay sa gitna ng panibagong development sa West Philippine Sea kung saan patuloy ang iligal na deployment ng dambuhalang barko ng China sa katubigan ng Pilipinas malapit sa Zambales na inihalimbawa ni Rubio bilang harassment.
Si US Sen. Rubio nga ang itinalaga ni US President-elect Donald Trump na mamuno sa State Department at magiging successor ni outgoing Secretary of State Anthony Blinken.
Samantala, naniniwala rin si Rubio na mahalagang mapalakas pa ang ugnayan ng Pilipinas at US.
Mapapansin aniya sa mga nakalipas na taon na tuluyang nabawasan ang military presence ng US sa Pilipinas kasunod na rin ng ilang mga desisyon ng nakalipas na administrasyon.
Pero ayon kay Rubio, kapansin-pansin ang muling pagbabalik ng umiinit na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at US sa ilalim ng bagong administrasyon.
Sa kabila nito ay nilinaw ng incoming US State Secretary na hindi dapat magpokus sa pagiging militarized zone ng PH o magpokus lamang sa security arrangement bagkus ay dapat din aniyang tignan ang economic partnership sa pagitan ng dalawang bansa.