-- Advertisements --
VP Leni Robredo ICAD drugs

Alas-11:00 ngayong umaga ilalabas na ni Vice Pres. Leni Robredo ang kanyang “Ulat sa Bayan” na may kinalaman sa mga impormasyon at rekomendasyon kaugnay ng drug war.

Mismong ang bise presidente ang nag-kumpirma ng oras at schedule ng press conference matapos ngang mangako na ilalatag nito ang kanyang mga nalaman sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga bilan drug czar sa loob ng higit dalawang linggo.

“Mayroon lang akong mga official na functions dito sa opisina nang maaga, pero siguro mga late morning, baka mga 11 or thereabouts, magkaroon ng Ulat (sa) Bayan,” ani Robedo sa kanyang weekly radio program.

“Ang tagal na nitong naka-set, pero noong naka-set kasi ito, paumpisa iyong SEA Games. Paumpisa iyong SEA Games. Tapos pagtapos naman ng SEA Games, wala ako, kasi nasa Basilan at Marawi ako. So sinet namin tomorrow kasi hanggang Biyernes—noong dumating ako from Marawi, pagdating ko ng Biyernes, nasa Rizal naman kami at nagkaroon ng Ahon Laylayan sa Rizal. So talagang na-busy.”

Bago ito, binanatan ng pangalawang panguolo ang kanyang co-chair noon sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na si Philippine Drug Enforcement Agency director general Aaron Aquino.

Bunsod umano ito ng hindi mga tugmang pahayag ng PDEA chairman tungkol sa kanyang naging performance sa ICAD, gaya na lang ng pagbanggit kamakailan ni Aquino sa pagkabigo ni Robredo bilang drug czar.

“Medyo natatawa ako na disappointed. Disappointed ako kasi PMA-er, Ka Ely, itong si Director General Aquino. Inaasahan mo kapag PMA-er, officer and gentleman. Pero ilang beses nang ang sinasabi sa harap ko, iba ang sinasabi sa media,” ani Robredo.

“Iyong sinasabi niya na walang significant na tulong, parang preferred niya yata na siya lang.. at ito, nasa harap ito ng aking chief of staff, isang closed-door meeting; sa harap ito ni Usec. Boyet Dy, sa harap ng lahat na kasama niya sa board ng PDEA—sinabi niya.. “Ma’am, huwag mo kaming iiwan. Huwag mo kaming iiwan kasi maraming nangyayari noong nandiyan ka na.” “Kasi ako, iyong sa akin, mahirap pasundin iyong mga ahensya kasi Usec lang ako.”

Hindi raw maintindihan ni Robredo kung bakit kailangang mag-iba ng tono si Aquino tuwing nasa harap ng media, gayong ito rin daw mismo ang nakiusap na huwag niyang iwan ang ICAD dahil mas nagkaroon ng kabuluhan ang komite mula nang umupo ang bise presidente bilang co-chair.

Una nang sinabi ni VP Leni na walang dapat katakutan ang pamahalaan sa kanyang report dahil findings at recommendations lang ito para mapabuti ang implementasyon ng war on drugs.