NAGA CITY – Patay ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin sa Camarimes Sur.
Kinilala ang biktima na si Felipe Pajarin, 57-anyos, residente ng Brgy. Bocogan, Lagonoy sa naturang lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Staff Sgt. Charlton Verdejo, tagapagsalita ng Lagonoy PNP, sinabi nito na matapos nilang matanggal ang impormasyon hinggil sa insidente ay agad naman umano silang rumesponde at dito na nila naabutan ang biktima habang nakahandusay at wala nang buhay.
Dagdag pa nito, habang naglalakad umano si Pajarin sa bahagi ng Zone 7 sa naturang barangay, dito na ito pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na nagresulta ng kaniyang agarang kamatayan.
Ayon pa kay Verdejo, hindi naman makapaniwala ang mga residente sa lugar ng tinamo ng biktima dahil mabuting tao umano ito.
Kaugnay nito, narekober din sa pinangyarihan ng insidente ang limang fired cartridge case at tatlong fired bullets gayundin ang cellphone ng biktima.
Sa ngayon, patuloy pa rin angisinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang krimen para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.