-- Advertisements --

VIGAN CITY- Napaiyak sa tuwa ang incumbent vice mayor ng Santa, Ilocos Sur matapos itong makapasa sa 2018 Bar Examinations matapos ang tatlong take nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Vice Mayor Jesus Jeremy Bueno III na hindi nito lubos akalain na matutupad na ang matagal nitong inaasam na maging abogado ito pagkatapos ng dalawang beses na pagkabigo sa mga nakaraang kinuha nitong Bar Exam.

Aniya, matinding time management ang kaniyang ginawa lalo pa’t nakaupo itong bise alkalde ng bayan ng Santa.

Ayon kay Bueno, nangako siya sa kaniyang ama na si incumbent Mayor Popoy Bueno na mananatili siya sa konseho ngunit ng pangalawang taon na niya bilang bise alkalde.

Naki-usap raw umano ito sa kaniyang ama na kung maaari ay payagan niya itong kumuha ng refresher class sa Manila dahil marami itong mga bagong batas na dapat aralin at pinayagan naman umano ito.

Samantala, noong kailangan na niya ang magreview para sa BAR exam, nag-leave ito sa kaniyang trabaho bilang bise alkalde ngunit tinapos muna niya ang mga obligasyon niya at saka naki-usap sa mga kasamahan sa konseho na payagan itong mag-leave ng pitong buwan.

Dahil dito, labis ang pasasalamat niya sa mga taong sumuporta at naniwala sa kaniya na sa huli ay makakamit din niya ang kaniyang pangarap na maging abogado upang makatulong sa kapuwa.