-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nahaharap sa paton-patong na kaso na may kinalaman sa anti-trafficking si incumbent Mayor Antonio Alindogan, 63-anyos sa Juban, Sorsogon.

Kusang sumuko sa Juban Municipal Police Station si Alindogan matapos mabatid ang naturang kaso.

Nahaharap ito sa 3-counts ng kasong Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, Section 4A in relation to Section 6A at 6D ng Republic 9208 as amended ng Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLt. Jonathan Hapa, hepe ng Juban PNP, nabatid na dinala sa ospital at naka-confine ngayon ang alkalde matapos makaramdam ng paninikip ng dibdib, hirap sa paghinga at pananakit ng likod.

Hinihintay naman ngayon ng PNP ang abiso ng doktor ng alkalde kung bumuti ang kalagayan nito upang mailabas na at madala sa detention facility.

Nabatid na may mga pulis na nagbabantay ngayon sa naturang opisyal sa ospital.
Samantala, nasa apat na buwan na lamang ang natitira sa termino nito kung saan nagsilbi sa loob ng siyam na taon bilang alkalde ng naturang bayan.

Ang asawa nito na si Gloria ang tatakbo sa May 2022 polls para sa mababakanteng posisyon sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC) at makakaharap si Maria Teresa “Tess” Fragata ng United Nationalist Alliance.