-- Advertisements --

Hiling ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa pamunuan ng Facebook na magkaroon sila ng independent group o organization na gagawin nilang “Fact Checker.”


Ito’y kasunod pa rin sa isyu ng pagtanggal ng Facebook ng mga Facebook accounts na may kaugnayan sa AFP at PNP.

Sa panayam kay DILG Secretary Eduardo Año kaniyang sinabi na hindi dapat gawing Facts Checker ang grupo o organisasyon na kritiko ng Duterte government dahil siguradong bias ito.

Giit ni Año nais lamang nila na maging patas at balanse ang Facebook.

Aniya, hindi naman ibig sabihin na ang gobyerno ang magiging fact checker, aniya dapat ay yuong mga credible organizations na walang pinapanigan at walang pakialam sa political spectrum.

Sa ngayon nakikipag-ugnayan na ang DICT sa Facebook para magkaroon ng dayalogo ng sa gayon mabigyan din ng pagkakataon ang PNP at AFP na ipaliwanag ang kanilang panig lalo na sa kanilang kampanya laban sa insurgency.

Una nang inalmahan ng AFP sa pagtanggal ng Facebook sa Hands Off our Children Facebook Page na kanilang sinusuportahan.

Kaya todo ang apela ng militar na ibalik ito ng Facebook.


Naniniwala naman si Año na malaking tulong ang Facebook lalo na sa komunikasyon.