-- Advertisements --

Nakukulangan umano si Justice Secretary Menardo Guevarra sa ginawang initial investigation ng Makati City Police kaya inatasan na nito ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Nakapaloob ito sa Department of Order ni Sec. Guevarra na may petsang Enero 7 kung saan sinabihan nito ang NBI na magsampa ng kaukulang kaso sa lahat ng mapapatunayang responsable sa anumang illegal act na may kinalaman sa pagkamatay ni Dacera.

Kaugnay nito, binibigyan ni Sec. Guevarra si NBI OIC Director Eric Distor na magsumite ng progress report sa kanya sa loob ng 10 araw.

Magugunitang namatay si Dacera noong Enero matapos ang New Year’s Eve celebration sa isang hotel sa Makati City kasama ang ilang mga kaibigan.

Naniniwala ang pamilya ni Dacera na pinagamit ng droga at ni-rape si Christine bagay na itinanggi naman ng mga kaibigang lalakeng kasama sa party.

Sinabi ni Sec. Guevarra, magiging mas mabilis ang gagawing case build-up kung independent ang imbestigasyon ng NBI.

Ayon kay Sec. Guevarra, dapat mabilisan ang gagawing imbestigasyon at pagsusuri sa mga labi ni Christine para sa ebidensya dahil kung magtatagal, mas mahirap ng maitatag ang tunay na sanhi ng kanyang kamatayan at pagkakakilanlan ng taong maaaring kasuhan kung may krimeng nangyari.

Nais din ni Sec. Guevarra na makuha ng NBI ang buong forensic test result bago nito isapubliko ang kanilang autopsy findings.