Lumampas na sa mahigit 200,000 ang mga namatay dahil sa deadly virus sa bansang India sa gitna ng halos pag-collapse na ng kanilang health care system.
Ito ay makaraang iulat ng kanilang health ministry ang panibago na namang single-day record na 3,293 na COVID-19 deaths sa nakalipas lamang na 24 hours.
Sa ngayon ang total fatalities ng India ay sumampa na sa 201,187.
Ang India ang itinuturing na world’s second most populous country na umaabot sa halos 1.4 bilyon ang mga tao.
Panibago ring global record ang naitala sa India na umabot sa 362,757 ang panibagong infections sa loob lamang ng isang araw.
Bunsod nito umakyat na sa 17.9 million ang kabuuang bilang ng mga dinapuan ng coronavirus.
Nitong nakalipas na Lunes ang record sa isang araw ay nasa 350,000.
Sa loob ng limang araw pawang record highs ang nakukumpirmang mga nadadagdag na mga bagong kaso.
Sa ngayon ang India ang ikaapat sa mga bansa sa buong mundo na umabot na sa 200,000 ang death toll dahil sa COVID-19.
Nangunguna pa rin ang Estado Unidos, sinusundan ng Brazil at pangatlo ang Mexico.
Sa kabila nito, naniniwala ng ilang mga eksperto na maraming mga pasyente ang hindi na nabibilang sa official count kaya itinuturing nilang may “severe undercounts” sa mga datos ng naturang bansa.