Tinagurian ngayon ng bansang India ang bagong variant na unang natukoy sa Europe bilang variant of concern matapos na makapagtala ng mahigit 20 kaso ng Delta Plus variant mula sa tatlong estado ng bansa.
Ayon sa Health Ministry ng India, ang Delta Plus variant na unang natukoy sa India noong Abril ay na-detect mula sa 22 samples na nagmula sa anim na distrito ng tatlong States kabilang ang Maharashtra, Kerala at Madhya Pradesh kung saan nasa 16 sa naturang samples ay nakita sa Maharashtra na isa sa mga estado na labis na tinamaan ng pandemiya.
Tinukoy din ng Health Ministry ang nakitang mga katangian ng Delta Plus variant o kilala din bilang AY.1 base sa mga pag-aaral na mas mabilis na naipapasa ang naturang variant, mabilis na kumakapit sa receptors ng lung cells at potentially resistant sa monoclonal antibody response.
Iniuugnay ang Delta Plus variant bilang mutated version ng existing variant of concern na Delta na unang na-detect sa bansang India noong nakaraang taon na pinaniniwalaang nagbunsod ng ikalawang surge ng COVID-19 infections sa bansa.
Bilang tugon, inatasan ang mga chief secretaries ng tatlong estado ng bansa na magsagawa ng agarang containment measures sa mga distrito at clusters gaya ng malawakang testing.
Ilang bansa na rin ang nakapagtala ng kaso ng Delta Plus variant kabilang ang US, UK, Portugal, Switzerland, Japan, Poland, Nepal, Russia, at China.