Pinahintulutan na ng gobyerno ng India na magbukas ang maliliit na mga tindahan mahigit isang buwan matapos isailalim ang bansa sa lockdown dahil sa banta ng coronavirus.
Sinasabing ang nasabing hakbang ay bahagi ng plano ng Delhi na ipanumbalik ang sigla ng kanilang ekonomiya na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa interior ministry, 50% lang ng kabuuang workforce ang pababalikin sa kanilang mga trabaho.
Dapat din aniyang tumalima ang mga ito sa ipinapatupad na ilang panuntunan gaya ng pagsusuot ng face masks at pagsunod sa social distancing.
Samantala, hindi naman papayagang magbukas ang mga shopping malls, maging ang mga negosyo sa itinuturing na coronavirus hotspots.
Mananatili ring sarado ang tindahan ng alak, habang ang online shopping platforms ay magagamit lamang para bumili ng mga kinakailangan lamang na suplay.
Sa pinakahuling datos, nasa 25,000 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa India, habang 780 katao ang namatay. (BBC)