Isinakay ng India ang mga oxygen tankers ng bansa sa mga special express trains kasabay na rin nang pagmamaka-awa ng ilang ospital sa New Delhi para sa mas marami pang suplay ng oxygen tankers.
Gagamitin ito para tulungan ang mga COVID-19 patients na nahihirapang huminga.
Tila unti-unti na kasing bumibigay ang underfunded health system ng India dahil sa nararanasan nitong pagsirit ng coronavirus cases. Kahapon lang ay nakapagtala ito ng panibago na namang global record ng daily infections na 332,730.
Sa ngayon ay nasa 16 milyon na ang COVID-19 cases sa nasabing bansa, pangalawa sa Estados Unidos. Naitala rin ng India ang 2,263 deaths sa nakalipas na 24 oras dahilan upang umabot na ng 186,920 deaths.
Habang lumilipas ang mga araw ay mas lumalala pa ang sitwasyon sa bansa kung kaya’t ilang ospital na sa India ang idinaan sa social media ang pangangalampag sa kanilang gobyerno upang magdagdag ng oxygen supplies at nagbansa na ititigil nila ang pagtanggap ng mga pasyente.
Sinimulan ng gobyerno ang Oxygen Express trains na may sakay na tankers upang tugunan ang hinaharap na problema ng mga ospital.
Umapela na rin ang Korte Suprema ng India kay Prime Minister Narendra Modi na bumuo ng national plan sa suplay ng oxygen at essential drugs para sa pagpapagamot ng coronavirus patients.