-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Kasabay ng pagpapaliban sa paninigil ng pautang na 5-6 ay namahagi ng tulong ang isang grupo ng Indian sa Tuguegarao City sa mga pamilyang apektado sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Sinabi sa Bombo Radyo ni Avtar Sigh, na nakalikom ang grupo ng P300,000 sa kanilang ambagan na ginamit upang ipambili ng mga relief packs.

Ito ay kanilang ipinamahagi sa anim na barangays sa lungsod na kinabibilangan ng Linao, Centro 2, Centro 5, Centro 7, Ugac Norte at Annafunan.

Sinabi pa ni Sigh na layon lamang nilang makatulong sa mga nangangailangan habang umiiral ang ECQ sa buong Luzon.

Panawagan pa nito sa publiko na sumunod sa ipinatutupad na mga alituntunin upang makaiwas sa sakit na dulot ng COVID-19.