LA UNION – Kasabay ng pag-alala sa Todos los Santos, isang Indian national ang nalunod habang naliligo sa dagat na bahagi ng Barangay Ili Sur, sa bayan ng San Juan, La Union.
Nakilala ang namatay na biktima na si Gulshan Kumar, 23, walang trabaho, residente ng Irisan, Baguio City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Maj. Bernabe Orebillo, officer in charge ng San Juan Police, nagtungo umano ang biktima kasama ang ilang kamag-anak sa resort na matatagpuan sa nasabing lugar kung saan nag-inuman at nagkayayaan na maligo.
Ilang sandali pa ang nakalipas bigla umanong hinila ng malakas na alon na dahilan ng kanyang pagkalunod.
Tinangka naman na sagipin ito ng kapwa dayuhan ngunit nalunod na ang biktima.
Naipagbigay alam na rin sa pamilya ng dayuhan ang nangyari rito.
Samantala, dead on arrival sa pagamutan ang isang mister matapos itong mabangga ng motorsiklo.
Nakilala ang biktima na si Dominador Coydas-Om, 62, residente ng Barangay Cabugnayan, isang agriculture technician.
Ayon kay M/Sgt. Danilo Badua, pauwi na ang biktima mula sa lamayan at habang naglalakad sa gilid ng kalsada nang mabangga umano ito ng motorsiklo na minaneho ng respondent driver na si Jerry Ubongen, 15.
Nagtamo ng malalang tama sa ulo at nabali ang dalawang paa ng biktima.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga nadamay din ang pitong taong gulang na si Erika Heguno, na nagpapagaling na sa Bacnotan District Hospital.
Sa ngayon nananatili pa sa investigation department ng San Juan Police ang respondent driver habang inaantay ang paglipat nito sa Department of Social Welfare & Development (DSWD).