-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakahanda na ang mga aktibidad para ika-69 na selebrasyon ng Foundation Day ng La Trinidad, Benguet.

Ayon kay La Trinidad Information Officer George Babsa-ay Jr., magaganap ang selebrasyon sa Hulyo 14 sa pamamagitan ng mga indigenous rituals at pagpaparangal sa mga outstanding citizens.

Magsisimula ang programa sa isang civic parade na pangungunahan ng mga opisyal ng La Trinidad sa national road na mag-uumpisa sa Kilometer 6 hanggang sa municipal hall na matatagpuan sa Kilometer 5.

Susunod dito ang ritual na tinatawag na “shaawat tan owik” na kung saan may mga ihahandog na baboy at alak habang sinasayaw ang tradisyunal na sayaw na “tayaw” na pangungunahan ni Mayor Romeo Salda at Vice Mayor Joey Marrero.

Magiging keynote speaker si dating National Commission on Indigenous Peoples Commissioner Zenaida Brigida Hamada-Pawid habang magbabahagi naman ng mensahe ang outgoing governor ng lalawigan ng Benguet na si Cresencio Pacalso.