Kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) na mayroong nakalaang mahigit P3.7 billion mula sa pamahalaan na ipapamigay sa mga indigent college students para suportahan ang kanilang pangangailangan sa pagtapos ng kanilang kinuhang kurso.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, inilaan ang naturang pondo para sa 247,135 student grantees sa ilalim ng Tulong Dunong program na parte ng Universal Access to Quality Tertiary Education – Tertiary Education Subsidy ng Commission on Higher Education (CHED).
Kabilang sa mga estudyateng benepisyaryo ng programa ang mga naka-enroll sa mga kinilala ng CHED na public at private higher education institutions para matustusan ang kanilang pangangailangang pinansiyal sa second semester ng academic year 2023-2024 at first semester ng academic year 2024- 2025.
Sinabi ng kalihim na malaking tulong ang scholarship program na ito para sa mga estudyante lalo na ang mga may suliranin sa pinansiyal o hindi ma-afford ang matrikula sa kolehiyo.
Una rito, inaprubahan ng kalihim ang release ng special allotment release order noong Abril 15.
Samantala, naglaan din ang pamahalaan ng P27.2 billion para sa Free Higher Education program para sagutin ang tuition at iba pang school fees ng mga scholar sa state universities and colleges at CHED-recognized local universities and colleges.