Maaari ng matanggap ng indigent senior citizen ang kanilang social pension kada buwan,kada 2 buwan o quarterly at hindi na kada 6 na buwan ayon sa Department of Social Welfare and Development.
Sa isang memorandum circular na naka-address sa lahat ng regional directors, sinabi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na hindi na papayagan pa ang semestral payments simula sa Hulyo 1 ng kasalukuyang taon.
Kaugnay nito, inatasan ang lahat ng DSWD Field Offices na sundin ang bagong schedule ng pagbibigay ng social pension.
Nakasaad din sa naturang memo na maaaring ma-exempt mula sa buwanang pagbibigay ng social pension kapag mayorya ng mga benepisyaryo ay nakatira sa malalayong lugar o kapag nakasailalim sa state of calamity ang isang probinsiya, siyudad o bayan o nakakaranas ng armed conflict gayundin sa iba pang hindi kontroladong mga sitwasyon na subject sa validation ng mga field office.
Sa ilalim nga ng Republic Act 11916, mandatoryong makatanggap ng P1,000 ang mga indigent senior citizen mula sa dating P500 na naging epektibo noong Enero 2024.