ILOILO CITY – Laganap na ngayon ang vote-buying sa lalawigan Iloilo ilang linggo bago ang May 13 midterm elections.
Sa bayan ng Concepcion, Iloilo, isinuko ng dalawang residente sa pulisya ang kanilang natanggap na mga baldeng may lamang groceries mula sa isang pulitiko at nakalagay pa dito ang isang sample ballot at larawan ng kandidato.
Ayon kina Sonny Labrador, 34 ng Barangay Plandico, Concepcion Iloilo at Hanalyn Abeto, 27 ng Barangay Calamigan, Concepcion, Iloilo, nakatanggap umano sila ng balde na may lamang tatlong packs ng bihon, 12 sachet ng energy drink, 20 packs ng kape at tabo.
Una rito sa isinagawang Debate sa Bombo ng mga gubernatorial candidates sa lalawigan ng Iloilo, inamin mismo ni Iloilo 4th District Representative Ferjinel Biron na namimigay ito ng balde at pagkain dahil marami ang nagugutom.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo, namigay rin umano si Biron ng laptop sa mga punong barangay.
Sa isinagawa ring Debate sa Bombo, inamin din ng kaalyado ni Biron na si dating Department of Health (DoH) Sec. Janet Garin na tumatakbo bilang kongresista sa 1st District ng Iloilo na namimigay din ito ng mga groceries at payong ngunit kanyang idinahilan na nagmula ito sa isang foundation.