CENTRAL MINDANAO-Nag-courtesy visit kay North Cotabato Governor Nancy Catamco si Republic of Indonesia Consulate General Dicky Fabrian.
Sinabi ni Fabrian kay Gov Catamco ang intensyon ng Indonesian government na makipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan para sa posibleng investment at mga proyekto na mapapakinabangan ng mamamayan ng probinsya.
Kabilang sa napag-usapan ang pagpapalakas ng ekonomiya sa pamamagitan ng mga proyekto at programa at palitan sa pamilihan ng produktong agrikultura at negosyo.
Naghayag ng kagalakan ang Gobernadora sa pakipagpulong ng Consul General sa kanya at inilahad ang posibilidad na magkaroon ng Agri-Expo at investment benchmarking kung matuldukan na ang pandemya.
Naniniwala ang Gobernadora na isang magandang pagkakataon ang nabuo dahil makakatulong ito ng malaki sa pagbukas ng Central Mindanao Airport sa bayan ng Mlang.
Inilahad din ni Catamco ang posibilidad na magkaroon rin ng direct flights mula sa North Cotabato tungong Indonesia. Malugod na tinanggap ng Consul General ang panukala at naghayag sya ng kahandaang tumulong sa Gobernador upang maisulong ang kaunlaran ng North Cotabato.
Layun ng Bansang Indonesia na mas mapabuti ang relasyon ng kanilang bansa sa Probinsya ng North Cotabato. Malaking pundo ang nailagak ng bansang Indonesia sa Pilipinas na umaabot sa pitong bilyong dolyar ($7B) at malaking porsyento nito ang napunta sa Mindanao.
Kasama ng Gobernadora sa pulong si PPDO Chief Cynthia Ortega, Investments and Promotions Chief Ray Mazo, Manuel Jaime ng DTI at abg negosyanteng si Mr. Honesto Cabacungan ng Makilala.