-- Advertisements --

MANILA – Binigyang diin ng Food and Drug Administration (FDA) na nananatiling ligtas at epektibong panlaban sa COVID-19 infection ang bakuna ng Chinese manufacturer na Sinovac.

Pahayag ito ng ahensya matapos mag-positibo at mamatay sa coronavirus ang ilang healthcare workers sa Indonesia makaraang tumanggap ng naturang vaccine brand.

“Between ng first at second dose mayroon pa rin kaunting nagkaka-COVID, a few hundred out of the millions. May nagka-COVID at may nagka-severe pero kaunti compare sa hindi binakunahan,” ani FDA director general Eric Domingo sa panayam ng Teleradyo.

“Hindi 100% ang efficacy, talagang 70 to 90% ‘yan. So may magkaka-COVID pa, pero nakita natin na kapag nagka-two doses, kahit nagka-COVID (infection), mga mild na lang, hindi nao-ospital at walang namamatay.”

Inihalimbawa ni Domingo ang UP-Philippine General Hospital na isa sa mga unang nakatanggap ng Sinovac vaccines.

Ayon sa opisyal, mula nang mabakunahan ng Chinese vaccine ang mga healthcare worker ng pagamutan, bumagsak ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa kanila.

Kung maaala, hindi muna inirekomenda ng FDA ang Sinovac vaccine sa healthcare workers dahil 51% lang ang efficacy rate nito. Pero hindi rin nagtagal ay inendorso na rin nila ang pagbabakuna ng Chinese vaccine sa mga medical frontliners.

“Yung real world experience natin mas mataas sa 51%. Sa PGH, nung macomplete yung vaccination ng karamihan talagang bumagsak ang numero ng mga nagkaka-COVID at yung nagkaka-COVID ay hindi namamatay, kundi gumagaling sila.”

Hinimok ng Department of Health ang publiko na maging maingat sa pag-intindi ng mga datos para hindi lalong matakot ang karamihan.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may ebidensya pa rin na mas matimbang ang bisa ng bakunang Sinovac kumpara sa panganib na maaaring idulot nito.

“If we are to look at these 26 who died, kung iisipin natin yung Indonesia napakalaking bansa, let’s say their healthcare workers are 5,000, so the 26 is still a very small portion para itigil ang pagbabakuna at hindi bigyang kumpiyansa ang mga bakunang mayroon tayo.”

“Kahit ano pa ang mga lumalabas sa ibang bansa pinag-aaralan natin pero kailangan natin isipin na the benefit will still outweigh that risk.”