Libo-libong pulis at mga sundalo ang ipinakalat ngayon sa Jakarta upang siguraduhin ang kaligtasan ng bawat isa matapos ang pagdedeklara ng protesta ng mga supporters ni Prabowo Subianto dahil sa pagkatalo nito bilang presidente ng Indonesia.
Ito ay matapos na muling idineklara si Joko Widodo bilang presidente ng nasabing bansa. Ito na ang ikalawang termino ni Widodo bilang pinuno ng Indonesia.
Inanunsyo ng Election Commission ang pormal na resulta ng katatapos lamang na official counting ng botohan sa ginanap na eleksyon noong April 17.
Nakakuha ng 55.5% ng boto si Widodo laban sa 45.5% na nakalap ng kanyang kalaban sa pagka pangulo na si ultra-nationalist former general Prabowo Subianto.
Nanalo naman bilang bise-presidente ang running mate ni Widodo na si Ma’ruf Amin.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin matanggap ng kampo ni Subianto ang kanyang pagkatalo dahil naniniwala umano ito na may naganap na dayaan.
Subalit wala naman itong maipresenta na ebidensya na magpapatunay na may dayaang naganap sa katatapos lamang na halalan.