Tinulungan umano ng anim na foreigner si Alice Guo habang siya ay nasa ibang mga bansa kasunod ng naging pagtakas niya sa Pilipinas.
Ayon kay Inspector General Krisha Murti, ang head ng International Relations Division ng Indonesian National Police, at isa ring Interpol official, natunton nila ang pagtulong ng ilang mga dayuhan kay Alice habang nananatili ito sa Indonesia.
Kinabibilangan ito ng limang Chinese at isang Indonesian.
Ang mga ito ay tumulong umano noong lumilipat si Guo mula sa Batam patungong Tangerang City kung saan siya tuluyang natunton at naaresto.
Ayon kay Murti, nagbibigay si Alice ng pera sa kanyang mga naging ‘supporter’ kapalit ng car rental, food, SIM card, at hotel bills.
Samantala, natunton din ng mga immigration officials ang umano’y pagtulong din ng isa pang Singaporean kay Guo upang mai-book ang dating alkalde ng apat na hotel room sa isang hotel sa Batam Island, tatlong araw bago ang tuluyang pagkakatunton sa kanya.
Nitong madaling araw ng Biyernes, Sept 6, naibalik na sa Pilipinas si Alice Guo kasunod ng ilang buwan na paglalagi sa iba’t-ibang mga bansa mula nang tumakas dito sa Pilipinas.