Nagprotesta ang Indonesia sa Beijing kaugnay sa presensya ng isang Chinese coastguard vessel sa kanilang katubigan malapit sa pinagtatalunang mga teritoryo sa South China Sea.
Sa pahayag ng Indonesian foregin ministry, pumasok daw nang walang pahintulot ang sea vessel sa exclusive economic zone ng bansa malapit sa mga isla ng Natuna.
Hindi naman sinabi ng ahensya kung kailan nangyari ang insidente.
“The foreign affairs ministry has summoned the Chinese ambassador in Jakarta and conveyed a strong protest regarding this incident. A diplomatic note of protest has also been sent,” saad sa pahayag.
Wala pang tugon sa kasakuluyan ang embahada ng Beijing sa Jakarta.
Muli ring iginiit ng Indonesian foregin ministry ang kanilang katayuan sa isyu na non-claimant state ang Indonesia sa South China Sea at wala silang overlapping jurisdiction sa China.
Ngunit nagkaroon na rin ng gusot ang Jakarta at Beijing noon dahil sa fishing rights sa Natuna Islands, kaya pinaigting na rin nila ang presensya ng militar sa nasabing area.
Matatandaang inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, na isang mahalagang trade route na pinaniniwalaang sagana sa langis at natural gas.
Maliban sa Pilipinas, may claims din sa pinag-aawayang teritoryo ang Brunei, Malaysia, Vietnam, at Taiwan. (Reuters)