Wala umanong ipinataw na kondisyon ang gobyerno ng Indonesia kapalit ng pagpayag na maiuwi na dito sa Pilipinas ang Pinay na nasa death row na si Mary Jane Veloso.
Ayon kay Department of Justice spokesperson ASec. Mico Clavano, base sa kasunduang nilagdaan noong Biyernes sa pagitan ng gobyerno ng Indonesia at Pilipinas para sa pagpapauwi kay Veloso, walang kondisyon na nakalagay kayat ang legal at physical custody ni Veloso ay nasa kamay na ng Pilipinas at ang gobyerno na ang siyang magpapasiya kung may ibang pang mga hakbang na gagawin.
Nang matanong naman si ASec. Clavano kung mapapadali nito ang paggawad ng clemency kay Veloso, ipinaliwanag niya na nakadepende ito kung may mga makatwirang basehan at sa magiging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aniya, ang executive clemency procedure ay simple lang sa kabuuan. Dadaan ito sa board of pardon and parole para sa screening saka irerekomenda sa Pangulo para sa paglagda.
Samantala, isinasapinal na rin aniya ng pamahalaan kung saan mananatili si Veloso sa oras na maiuwi na ito sa bansa subalit pagtitiyak ni ASec. Clavano hindi dadalhin si Veloso sa mga pasilidad kung saan nakakulong ang mga idinemanda niyang mga respondent ng illegal recruitment at qualified human trafficking
Nauna naman ng inihayag ng Indonesia na target na maideport o mapauwi sa Pilipinas si Veloso bago mag-Pasko.
Matatandaan na inaresto si Veloso sa Yogyakarta International airport matapos madiskubre ang mahigit 2.6 kilo ng heroin sa kaniyang bagahe. Kalaunan, hinatulan siya ng kamatayan, ngunit nagkaroon ng indefinite suspension noong 2015 matapos hilingin ng mga opisyal ng Pilipinas noon kay Indonesian President Joko Widodo na payagan siyang tumestigo laban sa mga miyembro ng sindikato ng human at drug-smuggling sa Maynila.