Pinagpaplanuhan na ng Indonesian Coast Guard (BAKAMLA) at Philippine Coast Guard (PCG) kung paano pa lalong mapalawak ang kanilang kulaborasyon para maisulong ang mas malawak na maritime cooperation.
Ito ay kasunod ng pagpupulong na isinagawa sa pagitan ng dalawang Coast Guard kung saan napag-usapan dito ang posibilidad ng joint training, ilang maritime challenges, at iba pang aspeto ng bilaterial relationship sa pagitan ng dalawa.
Noong Sabado ay bumisita sa Pilipinas ang Indonesian CG sa pangunguna ni director of sea operation, First Adm. Basri Mustari na mainit namang tinanggap ni PCG commandant Adm. Ronnie Gil Gavan.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Adm. Armando Balilo, sumentro ang naging pulong ng dalawa sa pagtugon sa mga problema sa karagatan, at pagpapalakas sa kanilang kapabilidad, maritime law enforcement, at marine environment protection.
Iginiit naman ni PCG Commandant Gavan ang pangangailangang magkaroon ng standard protocol and procedure para sa mga mieymbro ng ASEAN Coast Guard Forum (ACF), partikular na ang Southeast Asia Protocols for Engagement at Sea between Coast Guard and other Maritime Law Enforcement Agencies (SEA-PEACE).
Ang naturang protocol ay maglalatag ng common guidelines para sa mga ASEAN Coast Guards sa panahon ng mga encounter sa karagatan.
Binisita rin ng Indonesian CG ang ilang mga mahahalagang pasilidad ng PCG katulad ng Fleet Education Training Development Institute sa Balagtas, Bulacan at ang capital ship ng PCG, BRP Melchora Aquino (MRRV 9702).