Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang matagumpay na pag-aresto ng mga operatiba nito sa isang Indonesian national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Jakarta dahil sa pagkakasangkot sa human trafficking.
Sa isang pahayag, kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nahuling pugante na si Aris Wahyudi a.k.a. Romeo, 43-anyos, na inaresto noong Martes sa kahabaan ng Salcedo Street, Legaspi Village, Makati City ng mga miyembro ng fugitive search unit (FSU) ng BI.
Sinabi ni Tansingco na naglabas siya ng mission order para sa pag-aresto kay Wahyudi.
Ito ay matapos na makatanggap sila ng impormasyon mula sa gobyerno ng Indonesia na humingi sa ahensya ng deportasyon upang makaharap sa paglilitis si Wahyudi para sa mga krimen na ginawa umano niya sa kanilang bansa.
Nabatid na si Wahyudi ay napapailalim sa warrant of arrest na inisyu ng Indonesian national police noong Enero 18 dahil sa umano’y krimen na trafficking in persons.
Partikular siyang kinasuhan dahil sa paglabag sa isang probisyon sa Eradication of the Crime of Trafficking in Persons law ng Indonesia na naglalayong magbigay ng proteksyon sa mga migranteng manggagawa ng Indonesia.
Inakusahan ng mga awtoridad na si Wahyudi ay nagpapatakbo ng isang human trafficking syndicate na ilegal na nagre-recruit at nagpopondo sa mga Indonesian na na-traffic para magtrabaho sa Cambodia nang walang wastong work permit.
Sinabi ni Tansingco na ipapa-deport si Wahyudi sa sandaling maglabas ng utos ang BI board of commissioners para sa kanyang summary deportation.