Patuloy pa rin ang pamamayagpag ni Indonesian President Joko “Jokowi” Widodo sa nagaganap na halalan.
Sa isinagawang “quick counts” sa mga balota mayroong 55% na itong nakuha na boto laban sa 44% mula sa kaniyang katunggali na si Prabowo Subianto.
Bagamat sa Mayo 22 pa iaanunsiyo ang pinal na resulta ng halalan ay mayroon ng katiyakan ang pangalawang termino ni Widodo.
Nanawagan naman ang pangulo sa kaniyang mga mamamayan na magtiyaga at hintayin ang final count.
Hiniling din nito ang pagkakaisa dahil kahit matapos na ang halalan ay sila pa rin ang magkakasama.
Ang halalan sa Indonesia ay itinuturing na isang pinakakumplikadong halalan sa isang araw dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay sabay na isinagawa ang presidential at legislative elections.
Mayroon kasing 245,000 na kandidato ang tumakbo para sa 20,000 na posisyon.
Isinagawa ito sa mahigit na 800,000 mga polling stations na binabantayan ng mahigit anim na milyong election workers.
Mahigit 192.8 million naman ang bilang ng mga botante sa 17,000 na isla ng bansa.