-- Advertisements --

Sinampahan na ng patung-patong na kaso ang Indonesian terrorist na kasama ng Maute-ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) Group na sumalakay sa Marawi City.

Dinala ang naarestong terorista na si Muhammad ILham Syahputra, kay assistant special Prosecutor Ethel Rea Suril ng Quezon City Prosecutor’s Office at isinailalim sa inquest proceedings.

Kinasuhan ang banyagang terorista ng rebellion, illegal possession of firearms and explosives, at paglabag sa International Humanitarian Law.

No comment naman ang mga opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na gustong magsalita hinggil sa kaso.

Matapos iharap sa Prosecutor’s Office, agad din itong ibinalik sa Kampo Crame at patuloy na nasa pangangalaga ng Philippine National Police (PNP)-CIDG.

Una siyang isinailalim sa booking process sa Kampo Krame kaninang umaga kabilang ang pagkuha ng mugshot, finger prints at isinailalim na rin sa medical examination.

Kagabi naman nang dinala sa Crame ang Indonesian matapos maaresto kahapon ng umaga.

Nobyembre noong nakaraang taon nang pumasok sa bansa si Syahputra.

Sa ngayon tinutugis na ng militar at pulisya sa Marawi City ang mga natitira pang kasamahan ng dayuhang terorista.

Ayon kay Lanao del Sur Police Provincial Diretor Pol. S/Supt. John Goyguyon, batay sa ibinunyag ni Syahputra ay nasa 20 silang miyembro ang nakatakas ng buhay sa isinagawang final assault ng militar at nagtatago sa mga tunnel sa main battle area sa Marawi City.

Batay din aniya sa ibinigay na impormasyon ni Syahputra ay mayroon pang tumatayong lider kaya madali na nilang mati-trace ang mga nagtatagong terrorista.

Si Syahputra ay marunong magsalita ng Ingles at Pilipino, at ni-recruit ni ISIS emir Isnilon Hapilon para lumaban sa Marawi.

Napag-alaman na narekober ang passport ni Syahputra sa Piagapo, Lanao del Sur, matapos makasagupa ng mga sundalo ang mga terorista.

Ayon naman kay PNP Deputy Spokesperson P/Supt. Vimmalee Madrid, patuloy ang routinary police procedure at documentation kay Syahputra.

Gayunman, hindi matiyak ng PNP na ang naarestong Indonesian ang tagahawak ng pondo ng teroristang grupo.

Nakuha sa posisyon ni Syahputra isang tablet na kulay pink; 10 piraso ng P1,000 bills; 15 piraso ng P500 bills; dalawang piraso P100 bills; anim na piraso Riyals, Qatar currency; apat na piraso ng 100 Dirhams, United Arab Emirates currency; dalawang piraso ng Singaporian money; limang piraso ng Riyals, Qatar; pitong piraso ng gold bracelet; isang fragmentation grenade; caspian 45 caliber pistol; magazine na may pitong rounds ng live ammos; passport na may pangalan na Khoirul Hidayat na isang Indonesian national.