Maaari na umanong magamit ng industriya sa pagniniyog ang matagal ng nakatengga na P75 billion levy fund makarang pirmahan na rin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 172 na nag-aapruba sa Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Nilinaw ni Agriculture Secretary William Dar na ang pagbuo ng naturang tanggapan ang siyang magbibigay direksiyon sa modernization, rehabilitasyon at iba pa para mapaunlad pa ang kabuhayan ng nasa 2.5 million na mga coconut farmers.
Batay sa plano, papayagan ang paglalabas na ng trust fund o pondo sa pamamagitan ng Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act na siyang nagrekober sa coco levy assets na una nang dineklara noon pa man ng Supreme Court na pag-aari ng estado.
Ang trust fund ay titiyak na popondohan ng aabot sa P75 billion sa susunod na limang taon ang industriya na makikinabang ang mga coconut farmers, farm workers, at kanilang mga pamilya; gayundin ang mga organisasyon ng mga magsasaka at sa iba pa nilang mga pangangailangan.
Ang Philippine Coconut Authority (PCA) ang siyang mangunguna sa full implementation ng coconut trust fund law.
Sinabi na rin ng PCA, na ang mga produkto sa niyog ay nakatipon ng average export na kita na umaabot sa P91.4 billion mula taong 2014 hanggang 2018.
Noong 2019, ang coconut sector ay nagbigay kontribusyon ng mahigit sa $1 billion sa export revenues.