LEGAZPI CITY – Nagsasailalim na sa environmental sampling at paglalagay ng sentinel pigs ang karamihan sa mga lugar sa Bicol na una nang tinamaan ng African Swine Fever (ASF).
Kumpiyansa ang Department of Agriculture (DA) Bicol na nalalapit na ring matapos ang problema ng rehiyon sa nakamamatay na sakit sa mga baboy kung matagumpay ang isasagawang sentineling.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Josefina BaƱadera, DA Bicol Animal Health Coordinator, matagal-tagal nang hindi nakakapagtala ng mga bagong kaso maliban na lamang sa isang barangay sa Gubat, Sorsogon na pinakahuling ASF-positive.
Mababa na rin ang infection rate sa iba pang lugar sa rehiyon simula nang magkaroon ng pinakaunang outbreak sa Bombon, Camarines Sur noong Pebrero 2020.
Subalit kailangan pang dumaan sa proseso bago opisyal na maideklara na ASF-free na ang isang lugar mula sa pagsusumite ng ASF ordinance ng lokal na pamahalaan, environmental sampling at pagnegatibo sa virus ng ilalagay na sentinel pigs.
Samantala, umabot naman sa 22, 026 na mga baboy ang isinailalim sa depopulation sa Bicol kung saan 3, 526 hog raisers ang naapektuhan.
Nai-turnover na rin umano sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang P87, 750, 000 indemnification fund para sa mga ito.