Hinimok ni infectious disease expert Rontgene Solante ang Department of Health (DOH) na bilisin ang pagbili ng mga bakuna laban sa flu o anti-flu vaccine.
Ayon kay Dr. Solante, kailangang bumili na ang DOH ng hanggang 5 million doses ng flu vaccine dahil sa inaasahang pagtaas muli ng mga influenza cases sa mga susunod na buwan.
Ang mga bibilhing bakuna aniya ay maaaring gamitin para sa mga senior citizen at mga vulnerable population.
Ito ay upang mabigyan sila ng sapat na proteksyon at maiwasan ang mortality, pagkaka-ospital, at iba pang komplikasyon ng flu o trangkaso.
Ayon pa kay Solante, napakahalaga na simula pa noong Abril ay nasimulan na sana ang pagbabakuna sa mga senior, at magtutuloy hanggang ngayong buwan.
Ang nagsisilbing peak kasi aniya ay mula Agusto hanggang Disyembre at posibleng matutuloy ito sa unang bahagi ng Enero.
Sa kasalukuyan, si Dr. Solante ay ang lead convenor ng Raising Awareness on Influenza to Support Elderlies (RAISE) Coalition.
Aniya, tanging 8.81% ng adult population sa Pilipinas na may edad 60 pataas ang nagawang mabakuunahan noong 2022 laban sa influenza.
Kailangan aniya ng mas malawak na coverage ng pagbabakuna, at kung maaari ay mabakunahan ang lahat ng mga senior laban dito.