Sa ikapitong sunod na buwan, bumagal pa ang inflation rate o bilis sa paggalaw ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa inilabas na datos ng PSA, nabatid na bumagal pa sa 2.4-percent ang inflation nitong Hulyo mula sa 2.7-percent noong Hunyo.
Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, ito na ang pinaka-mabagal na antas sa paggalaw ng presyo ng mga produkto at serbisyo mula Enero ng 2017.
“It was the same rate observed in July 2017,” ani Mapa.
Nananatiling top contributor sa mabagal na inflation ang hanay ng food and non-alcoholic beverages na may 31.6-percent share.
Kabilang sa mga naka-ambag sa ilalim ng naturang dibisyon ang karne at isda.
“Relatively, rice last year, the prices of rice last year were really high at this month, so we are seeing a drop and we are expecting really a negative inflation.”
Nakaapekto rin hanay ng housing, tubig, kuryente at gasolina.
Sa labas ng Metro Manila, nananatiling mabilis ang paggalaw sa presyo ng mga produkto sa Mimaropa bagamat mas mababa ang 4.9-percent nito mula sa 5.2-percent noong Hunyo.
Pinakamabagal naman sa Central Visayas sa 1.1-percent.