-- Advertisements --

Muling bumilis ang galaw sa 3.2-percent ang presyo ng mga produkto at serbisyo nitong Mayo batay sa pinaka-bagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon sa PSA malaki ang naging papel ng paggalaw sa presyo ng pagkain, inumin, tubig, krudo at kuryente kaya muling bumilis ang inflation rate mula sa 3.0-percent noong Abril.

Kung maalala, Oktubre noong 2018 nang maitala ang huling mabilis na inflation sa 6.0-percent. Matapos nito ay unti-unting bumagal hanggang nitong Abril.

Sa hanay ng mga pagkain at non-alcoholic beverage, naka-apekto raw sa inflation ang paggalaw sa presyo ng cereals, tinapay, pasta, isda, prutas at gulay.

Sa housing naman, presyo ng kuryente ang nag-ambag ng mabilis na inflation dahil sa naitalang 1.5-percent na annual rate nito.

Sa mga rehiyon, naitala rin ang mabilis na paggalaw sa National Capital Region sa 3.4-percent mula sa 3.1-percent noong Abril. Sa kabila nito, mas mabagal itong maituturing mula sa May 2018 rate na 4.9-percent.

Sa labas naan ng NCR, pinaka-mataas na datos ang naitala sa Mimaropa sa 4.7-percent, habang pinaka-mabagal sa 1.5-percent ang Central Visayas at Zamboanga Peninsula.