Malaki ang tyansang muling bumilis ang inflation rate o ang antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa ngayong buwan ng Setyembre.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), tinatayang aabot ito hanggang 6.1 percent o mas mataas kumpara sa 5.3% na naitala nitong Agosto, 2023.
Pangunahing factor dito ang mataas na presyo ng petrolyo, kuryente at ng mga pangunahing agricultural commodities, gayundin ang paghina ng halaga ng piso kontra US dollar at iba pang currency.
Gayunman, maaari pa rin itong mahatak pababa ng mas mababang presyo ng bigas dahil sa price cap na ipinatupad ng pamahalaan, sa bisa ng Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panig naman ng National Economic and Development Authority (NEDA), sinabi ni Secretary Arsenio Balisacan na kayang maabot ng bansa na maibaba sa 6% hanggang 7% ang paglago ngayong 2023, kapag napataas ang government spending sa ikatlo at huling quarter ng taon.
Aniya, ang pagbagal ng ekonomiya noong ikalawang quarter sa 4.3% sa gitna ng inflation at interest rates ay maaaring ma-offset sa pamamagitan ng mas agresibong fiscal spending sa mahahalagang proyekto ng paamahalaan.