Bumagal ang inflation rate o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa noong buwan ng Setyembre 2024 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa ulat ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, bumaba sa 1.9% ang inflation para sa buwan ng Setyembre mula sa 3.3% na inflation noong Agosto 2024. Ito rin ay mas mababa kung ikukumpara sa 6.1% inflation na naitala noong Setyembre 2023.
Sa kabuuan, nakapagtala ng average inflation ang bansa na 3.4% mula sa buwan ng Enero hanggang Setyembre 2024. Ito ay pasok pa rin sa target range ng pamahalaan para sa buong 2024 na 2%-4%.
Paliwanag ng PSA na ang pangunahing dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw sa presyo ng ‘food and non-alcoholic beverages’ sa antas na 1.4% na mayroong 69.1% share o ambag sa pagbaba nang pangkalahatang inflation sa ating bansa.
Ang pangunahing nag-ambag sa pagbaba ng inflation sa ‘food and non-alcoholic beverages’ ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng ‘cereal products’ na may 4.9% inflation partikular ang bigas, gulay, tubers o carrots, celery, kamote, patatas at iba pa na may -15.8% inflation kagaya ng kamatis.
Bumagal rin aniya ang inflation sa transportasyon partikular sa presyo ng gasolina at diesel pati na sa LPG at singil sa kuryente.
Dagdag pa ni Mapa sa National Capital Region (NCR) naman ay bumagal rin sa 1.7% ang inflation nitong Setyembre gayundin sa labas ng Metro Manila na nasa 2%.