-- Advertisements --

Bumagal ang inflation rate sa Pilipinas noong Pebrero ng kasalukuyang taon.

Sa press conference ngayong araw, iniulat ni PSA Deputy National Statistician Sectoral Statistics Office ASec. Divina Gracia Del Prado na bumagal sa 2.1% ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa kumpara sa naitalang 2.9% noong Enero 2025.

Paliwanag ng opisyal na pangunahing nakaambag sa mabagal na inflation noong nakalipas na buwan ay ang mas mabagal na inflation sa food, alcoholic beverages at transportation.

Sa food inflation, bumaba ito sa 2.6% noong Pebrero kung saan pangunahing nag-ambag ang pagbaba ng presyo ng mga gulay, tubers, cereals at cereal products partikular na ng bigas.

Pagdating naman sa inflation sa housing, water, electricity at iba pang fuels, nakaambag ito ng pagbaba sa inflation na 16.7% habang sa transportation, nakaambag sa pagbaba ng inflation ang pagbaba ng presyo ng gasolina at diesel.

Ang inflation noong nakalipas na buwan ay mas mababa naman kesa sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nasa pagitan ng 2.2% hanggang 3% inflation para sa buwan ng Pebrero.