Bumagal ang inflation o ang pagtaas ng pangkalahatang antas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa Pilipinas noong buwan ng Hunyo.
Sa isang press conference, iniulat ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa, bumagal sa 3.7% ang inflation noong nakalipas na buwan, bahagya itong bumaba mula sa 3.9% na naitala noong Mayo.
Nagresulta ito sa year-to-date inflation na 3.5% na pasok sa target range ng pamahalaan para sa inflation na 2% hanggang 4% para sa 2024-2028.
Ayon kay Usec. Mapa, ang pangunahing nag-ambag sa mas mabagal na inflation noong nakalipas na buwan ay ang pagbagal ng pagtaas ng halaga ng housing, tubig, kuryente, gas at iba pang produktong petrolyo at transportasyon.
Sa kabila naman ng pangkalahatang pagbaba ng inflation rate noong Hunyo matapos ang 4 na magkakasunod na mataas na inflation, sinabi ni USec. Mapa na hindi malinaw kung magtutuloy sa nalalabing mga buwan ng 2024 ang nakitang mabagal na inflation.
Ito ay dahil sa naobserbahang pagtaas sa month-on-month inflation sa heavy-weight Food at Non-Alcoholic Beverages index.
Gayundin tumaas ang food inflation o paggalaw sa presyo ng mga food item na karaniwang binibili ng households na nasa 6.5% noong Hunyo mula sa 6.1% noong Mayo.
Ito ay resulta ng mas mabilis na pagtaas sa mga presyo ng gulay at karne bunsaod ng epekto ng pagsisimula ng tag-ulan at mga kaso ng African Swine fever.
Samantala, sa isang statement, sinabi naman ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na committed silang panatilihin ang inflation rate ng bansa sa target range na 3% hanggang 4%.
Ipagpapatuloy din aniya ang pakikipagtulungan sa pamahaaan,stakeholders at iba pang priority sectors para sa pagpapatupad ng kaukulang mga hakbangin para matiyak na mayroong sapat at abot-kayang suplay ng pagkain kabilang na ang bigas na pang-araw-araw na kailangan ng bawat Pilipino.