Bumilis sa 2.9% ang inflation rate sa Pilipinas noong Disyembre 2024.
Ito ay mas mataas kumpara sa naitalang 2.5% na inflation noong Nobiyembre 2024. Mababa naman ito kung ikukumpara sa 3.9% na naitala noong Disyembre 2023.
Sa isang press conference ngayong araw ng Martes, Enero 7, iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) chief USec. Dennis Mapa na ang pangunahing dahilan ng pagbilis ng inflation noong Disyembre ay ang mas mabilis na pagtaas ng mga presyo o halaga sa pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang langis.
Nagdala naman ito sa annual average inflation rate ng PH para sa 2024 sa 3.2%, mas mababa kumpara sa 2023 annual average inflation rate na 6.0%.
Ang inflation noong Disyembre ay pasok sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2.3% hanggang 3.1% at nangangahulugan na naabot ang target ng gobyerno na mapanatili ang average inflation para sa 2024 na 2% hanggang 4%.
Samantala, wala namang paggalaw sa Food inflation noong Disyembre 2024 na nanatili sa 3.5%. Ito ay mas mababa sa food inflation rate noong Disyembre 2023 na naitala sa 5.5%.
Iniulat din ng PSA na ang average food inflation rate noong 2024 ay naitala sa 4.5%, mas mababa ito sa naitalang taunang average food inflation rate noong 2023 na 8%.