-- Advertisements --

Bumagal ang inflation rate o ang antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa sa 1.8% noong buwan ng Marso ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang press conference ngayong Biyernes, Abril 4, iniulat ni PSA USec. Dennis Mapa na ang mas mabagal na inflation rate noong nakalipas na buwan ay pangunahing bunsod ng mas mabagal na pagtaas ng presyo sa pagkain at beverages gayundin ang pagbaba ng presyo ng langis sa nasabing buwan.

Partikular na tinukoy ng opisyal ang malaking pagbaba sa presyo ng bigas noong Marso kumpara sa kaparehong buwan noong 2024 kung saan nakapagtala ng year-on-year decrease na -7.7% noong Marso. Ito na aniya ng pinakamalaking porsyento ng pagbaba ng presyo simula noong Marso 2020 kung saan bumaba ang presyo ng bigas sa -8.4%.

Samantala, maliban sa presyo ng bigas, nakitaan din ng pagbaba ang presyo ng mga karne sa 8.2% noong Marso mula sa 8.8% noong Pebrero. Bagamat inamin ng opisyal na nananatiling mataas pa rin ang presyo ng mga panindang karne dahil sa epekto pa rin ng African Swine fever (ASF).

Sa halaga ng transportasyon, bumaba ito dahil sa mga ipinatupad na rollbacks.

Sa kabuuang average inflation mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon, naitala ito sa 2.2% na nananatiling pasok sa target range ng pamahalaan na 2% hanggang 4%.