-- Advertisements --

Bumilis ang inflation rate o ang pagtaas ng pangkalahatang antas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa noong buwan ng Nobiyembre 2024.

Ito na ang ikalawang sunod na buwan na nakapagtala ng mabilis na inflation mula sa 2.3% na inflation na naitala noong Oktubre.

Sa isang press conference, tinukoy ni PSA chief Undersecretary Claire Dennis Mapa na ang dahilan ng mas mabilis na inflation ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng pagkain at transportasyon noong Nobiyembre.

Nagdala naman ito ng year-to-date average inflation rate na 3.2% na pasok pa rin sa target ng pamahalaan ng 2% hanggang 4% inflation rate para sa buong 2024.

Samantala, sinabi naman ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, sa kabila ng epekto ng malalakas na mga bagyong tumama sa bansa sa mga nakalipas na buwan, nananatiling matatag pa rin ang mga presyo ng mga bilihin. Nagpapakita aniya ito ng katatagan ng ating ekonomiya at pagiging epektibo ng ating mga polisiya.

Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na masusing binabantayan ng pamahalaan ang mga presyo ng commodities lalo na ang mga pagkain kasunod ng pananalasa ng mga nagdaang bagyo noong Oktubre at Nobiyembre.

Saad pa ng NEDA chief na nananatiling kumpiyansa ang pamahalaan na mapapanatili ng inflation rate sa Disyembre ang trend ng presyo at mananatiling pasok sa target range ng pamahalaan.