-- Advertisements --

Bumilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo o inflation rate sa bansa noong buwan ng Oktubre.

Sa press conference ngayong araw, ipinaliwanag ni Philippine Statistics Authority (PSA) chief USec. Claire Dennis Mapa na ang pangunahing dahilan ng uptrend o pagtaas sa kabuuang inflation noong nakalipas na buwan ay ang mas mabilis na taunang pagtaas sa heavily-weighted food at non-alcoholic beverages na pumalo sa 2.9% mula sa 1.4% noong Setyembre 2024.

Nag-ambag din sa pagtaas ng inflation ang transport na may mas mabagal na year-on-year na pagbaba na nasa 2.1% noong Oktubre 2024 mula sa 2.4% noong Setyembre 2024.

Pagdating sa food inflation, ang pangunahing dahilan ng pagtaas nito ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo sa bigas na nasa 9.6% noong Oktubre mula sa 5.7% noong Setyembre.

Samantala, sinabi naman ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na ang inflation rate ng bansa ay nananatiling pasok sa target sa kabila pa ng bahagyang pagtaas nito ngayong buwan.

Aniya, ang kamakailang kalamidad na tumama sa bansa kabilang ang bagyong Kristine ay nagdulot ng epekto sa suplay ng pagkain at logistics.