Pinaigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ginagawa nilang pag-iikot sa mga komunidad para makaiwas sa mga insidente ng sunog ngayong Semana Santa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni SFO1 Dexter Ace Carolino ng BFP-Public Information Services, nakapokus umano ang kanilang information campaign sa tatlong pangunahing rason ng mga pagkasunog ngayong taon.
Batay umano sa kanilang pagsusuri, ito ay ang mga nag-ooverload na electrical connections, mga upos ng sigarilyong tinatapon kung saan-saan, at ang mga nilulutong napapabayaan sa kusina.
Paliwanag pa ni Carolino, malaki rin umano ang naiaambag ng El Niño sa mga nararanasang sunog ngayon sa buong bansa.
Paalala rin ng opisyal, bagama’t karaniwang mababa ang naitatalang mga fire incidents kapag Holy Week, dapat pa ring mag-ingat ang publiko para maging ligtas sa anumang kapahamakan.