Nagtatag ang gobyerno ng “victims information center” sa bawat fire station sa mga lugar na hinagupit ng bagyong Odette para tulungan ang mga biktima ng typhoon na i-locate ang kanilang mga mahal sa buhay na nawawala bunsod ng matinding pananalasa ng bagyo.
Ito ang inihayag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano.
Ayon sa kalihim maaaring dumulog ang ating mga kababayan sa mga itinatag na Victims Information Center at dito ibigay ang detalye ng mga taong nawawala o missing at hahanapin ang mga ito.
Giit ng kalihim sa sandaling magkaroon ng impormasyon ay agad na magbibigay ng feedback ang BFP kung ano ang nangyari sa kanilang mga kaanak.
Ayon kay Sec Año, nasa 10,674 personnel ng BFP, kabilang ang kanilang mga fire trucks, ang idineploy sa mga rehiyon na lubhang sinalanta ng bagyo.
Dagdag pa ng kalihim, ilan sa mga bumbero ang gumagamit ng bangka para makarating sa mga lugar na severely devastated dahil wala pa pang kuryente at signal sa komunikasyon.
Ang PNP ay nagdeploy ng 14,203 pulis sa mga lugar na apektado ng typhoon Odette, para mag mantine ng peace and order at tumulong sa rescue and recovery operations at relief and rehabilitation efforts.
Ang mga idineploy na pulis ay nanggaling pa sa ibat ibang regional police offices.
Aniya, ang mga pulis mula sa PRO-5 ay mag-augment sa Region 8, ang PRO-4A ay mag-augment naman sa Region 6.
Inihayag din ng kalihim na ilan sa mga personnel ng DILG ay naging biktima din ng bagyo kaya ipinag-utos din nito ang dagdag na DILG field officers na maa-assign sa iba’t ibang rehiyon at sila din ang magiging incharge sa management ng mga nasawi at missing.