QUEZON CITY – Tuloy na ang pagtakbo ni Vice President Leni Robredo sa pagka-presidente sa 2022 national elections.
Inanunsyo ito ni Robredo sa kanyang opisina sa Quezon City, isang araw matapos namang maghain si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-pangulo rin ng bansa.
Huling naglaban sa politika ang dalawa noong 2016, nang kapwa sila tumakbo sa pagka-bise presidente, pero si Robredo ang pinalad na manalo bagay na kinuwestiyon naman ni Marcos sa Presidential Electoral Tribunal na sa kalaunan ay nabasura lang din.
Sa kanyang maiksing talumpati, sinabi ni Robredo na ang kanyang desisyon na tumakbo sa pagkapangulo ay hindi nakabase sa ambisyon o pag-uudyok ng iba kundi sa konsiderasyon sa kung ano ang makabubuti para sa bansa, lalo na ngayong nahaharap pa rin ang Pilipinas sa pandemya kung saan napakarami na ang namatay at patuloy na naghihirap matapos mawalan ng hanapbuhay.
“Buong-buo ang loob ko ngayon: Kailangan nating palayain ang sarili mula sa kasalukuyang situwasyon. Lalaban ako; lalaban tayo. Inihahain ko ang aking sarili bilang kandidato sa pagkapangulo sa halalan ng 2022,” ani Robredo. “Malinaw sa lahat ang hamon na kinakaharap natin. Nakita na nating lahat ang pagsisinungaling at panggigipit na kayang gawin ng iba para maabot ang mga layunin nila. Nasa kanila ang pera, makinarya, isang buong istrukturang kayang magpalaganap ng anumang kuwentong gusto nilang palabasin.”
Nakipagpulong raw siya sa iba’t ibang personalidad bago pa man marating ang desisyon na ito, at may nag-alok din na umanib na lang sa administrasyon ng sinumang mananalo sa posisyon, pero mas nangibabaw aniya sa kanya ang tulong na kanyang maibibigay para sa pag-ahon ng bansa sa samu’t saring problema na kinakaharap ng bawat Pilipino.
Marami na aniya ang naghihikaos, nagugutom, hirap at namamatay dahil sa pansariling interes ng mga nasa poder, kawalan ng maayos na pamamahala sa gobyerno, bagay na dapat magbago na ayon kay Robredo.
Kung gustong makalabas sa sitwasyon na ito, iginiit ni Robredo na hindi lamang ang apelyido ng mga nasa posisyon ang dapat na mapalitan kundi pati dapat iwasto na rin ang issue sa korapsyon, incompetence, kawalan ng malasakit sa kapwa.
Bilang ina hindi lamang sa kanyang tatlong anak kundi sa buong bansa, sinabi ni Robredo na handa umanong niyang gawin ang lahat para sa ikakaangat ng sitwasyon ng mga Pilipino.
Buo na aniya ang kanyang loob para ihain ang kanyang sarili para sumabak sa mas malaking laban.
Gayunman, nangangako si Robredo na sa kabila ng kanyang pagtakbo para sa pagkapangulo ay hindi naman niya papabayaan ang kanyang trabaho bilang kasalukuyang bise presidente ng bansa.
“Anim na taon ang nakaraan, tinanggap ko ang hamon na tumakbo sa pagka-Bise Presidente. Ngayon, sasabak tayo sa mas malaking laban. Panata ko ngayon: Ibubuhos ko nang buong-buo ang aking lakas, hindi lang hanggang sa halalan kundi hanggang sa mga natitirang araw ko, para ipaglaban ang Pilipinas ng ating mga pangarap: Isang lipunan kung saan kapag nagbanat ka ng buto, kapag ginawa mo ang lahat ng kaya mo, makaasa ka sa ginhawa at pag-asenso; kung saan kapag may nadapa, may sasalo sa iyo, may aakay sa iyo patayo. Kung saan ang mga plano para sa edukasyon, transportasyon, pagkain, kalusugan, katarungang panlipunan, ay naipapatupad dahil may gobyernong matino at mahusay; gobyernong tapat at may pananagutan; gobyernong tunay na inuuna ang interes ng taumbayan.”