Nilinaw ng isa sa mga attending physician ni US President Donald Trump na kanilang binabantayan ngayon ang posibleng mga pagbabago pa sa bumubuting kalagayan ng pangulo laban sa COVID-19.
Sinabi ni Dr. Sean Conley na pinahintulutan ng kaniyang mga physicians ang Republican President na lumabas sa Walter Reed National Military Medical Center at bumalik sa White House dahil sa unti-unting paggaling nito laban sa deadly virus.
Ngunit, inamin naman nito na mananatili silang maingat sa pagbabantay ng 74-anyos na Pangulo matapos makatanggap ng iba’t ibang therapies.
Una nang ibinunyag ni George Washington University professor of medicine Dr. Jonathan Reiner na si Trump lamang ang nag-iisang COVID-19 patient na pinainom ng tatlong magkakaibang gamot laban sa virus sa buong mundo.
Ito ay kinabibilangan ng Remdesivir na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) bilang gamot sa coronavirus at isang experimental drug.
Nakatanggap din ito ng dexamethasone na nakakabawas umano ng pamamaga ngunit may hindi magandang epekto sa immune system ng tao kung kaya’t hindi ito inirekomenda na gamot maliban lang kung malala na ang sakit ng pasyente. (with report from Bombo Jane Buna)