-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Inaksyunan na ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan sa pamamagitan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang ipinarating na problema ng LGU Buruanga kaugnay sa reklamo ng mga residente mula sa anim na barangay ng bayan kung saan, nakakarating sa kanila ang masangsang at mabahong amoy mula sa sanitary landfill sa Barangay Kabulihan mainland Malay.

Ayon kay Malay sangguniang bayan member Alan Palma, pinag-usapan ng magkabilang opisyal sa ginanap na committee hearing ang perwisyo na dulot ng tambakan ng basura na nagreresulta sa pagkansela ng klase ng mga paaralan na malapit sa lugar.

Naayos na aniya ng MENRO ang sanitary landfill upang hindi na mangamoy ang mga itinatapon na basura mula sa centralize Material Recovery Facility (MRF) sa isla ng Boracay.

Ang ECOS Sanitary Landfill and Waste Management Corporation naman ang nakakontratang humakot ng basura patawid sa mainland Malay.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni SB member Palma na sisikapin ng LGU na matugunan ang suliranin sa basura lalo na sa isla ng Boracay dahil may mga pagkakataon aniya na nagkakansela naman ng klase ang mga paaralan malapit sa MRF dulot ng mabahong amoy ng basura na hindi kaagad maitawid ng hauler.

Maalalang makailang beses na rin na inireklamo ng mga residente sa lugar ang mabahong amoy mula sa MRF dahil sa maaari itong pagmulan ng iba’t ibang sakit.