-- Advertisements --

Tiniyak ngayon ni Cebu City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia na magiging ‘biggest and grandest’ ang Sinulog sa susunod na taon.

Sinabi pa ni Garcia na ito’y dahil maraming contingents ang inaasahang lalahok hindi lamang mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas kundi maging sa labas ng bansa.

Sa kasalukuyan pa aniya ay mayroon ng inisyal na 11 contingents ang nagpalista.

Inanunsyo pa ng opisyal na noong Biyernes, Setyembre 20, ay nagkaroon sila ng executive committee meeting kung saan pareho pa nilang layunin na ganapin ang aktibidad hindi lamang bilang isang selebrasyon kundi isang alay kay Sr. Sto. Niño.

Ayon pa sa alkalde na napag-usapan din ng komitiba na taasan ang mga papremyo, maging ang mga subsidiya para sa mga lalahok na contingents.

Napagkasunduan na rin aniya nila na ang gagawing mga paghahanda ay nakasentro sa Abellana sports center kung saan idaraos ang grand showdown.

Tiniyak naman ni Garcia na walang halong pamumulitika ang paghahanda sa aktibidad at gagawin nila ang lahat upang masigurong matagumpay itong maisagawa hindi lamang para sa mga Cebuano kundi para magbigay-pugay kay Sr. Sto. Niño.