Umabot na sa P8,745,923.23 ang inisyal na pinsala sa sektor ng agrikultura ng nagpapatuloy na pananalasa ng bagyong Carina, ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council.
Malaking bahagi nito ay mula sa mga sakahan sa Northern Luzon na pangunahing naaapektuhan ng naturang bagyo.
Naitala na rin ng NDRRMC ang hanggang sa 748 na mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng bagyo.
Sa panig ng Department of Agriculture(DA), una na itong nagbigay-abiso sa mga magsasaka ukol sa mga pagbahang maaaring idulot ng tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan.
Ayon sa DA, nakahanda na rin ang mga tulong na maaaring ipamahagi sa mga magsasaka na maaapektuhan ng bagyo.
Kinabibilangan ito ng mahigit 70,000 sako ng mga binhi ng palay, halos 40,000 sako ng mga binhi ng mais, at halos 60,000 na sako ng mga binhi ng high value commercial crops.
Nakahanda rin, ayon sa ahensiya, ang Quick Response Fund na maaaring magamit para sa rehabilitation, matapos ang pananalasa ng bagyo.