Nakabalik na sa normal operation ang maraming mga munisipalidad na naapektuhan sa pananalasa ng Super Typhoon Julian.
Batay sa report na inilabas ng National Electrification Administration (NEA), tatlong mga electric cooperatie (EC) na lamang ang nakakaranas ng problema sa operasyon.
Kabilang dito ang Ilocos Norte (INEC) at Batanes (BATANELCO) na patuloy na nakakaranas ng partial power interruptions. Pangatlo ang Abra (ABRECO) na unti-unti nang bumabalik sa normal operations matapos ang sunud-sunod na power outage.
Unang iniulat ng NEA na umabot sa apat na rehiyon ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyo na kinabibilangan ng Ilocos Region, Cagayan Valley, CAR, at Central Luzon.
Umabot sa 23 EC ang naapektuhan at nag-report ng mga power interruption dahil dito.
Bagamat tuluy-tuloy ang ginagawang assessment sa danyos na iniwan ng bagyo sa power sector, umabot na sa P856,035.63 ang natukoy na inisyal na halaga ng pinsala sa naturang sektor.