Nasa 66 na ang nasa inisyal na listahan ng Commission on Elections (COMELEC) ng mga kakandidato sa pagka-senador para sa 2025 National and Local Elections.
Ayon kay Comelec Chair Atty. George Erwin Garcia, posible pa itong madagdagan dahil ang natitira sa 183 na naghain ng kandidatura ay patuloy pa ring sumasailalim sa screening o tinitingnan pa rin kung pwede pang makonsiderang legitimate o valid candidate.
Ayon pa kay Garcia, ang mga sa palagay naman ng law department nila na hindi valid candidate o nuisance candidate at papadalhan nila ng sulat o ipapatawag para matiyak kung mali ba ang determinasyon ng comelec.
Binigyang diin ng comelec na hindi nila ikokonsiderang nuisance candidate o panggulo ang isang aspirant dahil lang sa estado nito sa buhay o dahil lang wala itong pondo para mangampanya sa eleksyon.
“Wala po tayong i di-disqualify bilang nuisance candidate national man o lokal… dahil lang sa kahirapan, walang kakayanan, walang pondo, walang pera, walang resources. Hindi po natin gagawin ‘yon.” ani Garcia.
Samantala, tiniyak naman ng Comelec na pagdating ng December 13, ay may final list na ng lahat ng kandidato sa buong Pilipinas, national man o local dahil plano raw ng komisyon na mag imprenta ng balota sa huling linggo ng Disyembre.