Opisyal ng sinimulan ngayong Martes ang inisyal na paghigop sa 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil mula sa lumubog na MT Terranova sa Limay, Bataan, 19 na araw na ang nakakalipas mula noong Hulyo 25.
Ayon sa Philippine Coast Guard, target ng initial siphoning na masuri ang daloy ng langis mula sa 8 tangke at 24 na tubo at valves ng lumubog na oil tanker.
Kabilang sa initial siphoning ang hot topping, isang procedure kung saan inilalagay ang isang pipe sa surface ng tangke para sa pagpasok ng tubig. Sa pamamagitan kasi ng water flooding, ang langis sa loob ng tangke ay aakyat at saka ito maaaring higupin.
Paliwanag ni Lt. Cdr. Michael John Encina, commander ng Coast Guard Station Bataan na papalitan nila ang langis ng tubig para matiyak na ang contaminants ay matatanggal nang hindi kailangang galawin ang tanker.
Sa oras naman na matukoy ang flow rate, matutukoy kung gaano katagal ang gagawing full-blown siphoning operation.
Sinabi din ni Commander Encina na ang plano ngayon ay ubusin ang laman ng lahat ng natitirang langis mula sa tanker dahil layunin ng mga awtoridad na maiwasan ang posibilidad ng pagtagas ng langis habang isinasagawa ang siphoning procedure.
Inisyal kasing plano na i-drain ang 300,000 litro ng langis at palutangin ang tanker saka dalhin sa mababaw na parte ng dagat kung saan isasagawa sana ang pagtanggal ng natitirang langis.